Namaste!

At nandito na uli ako sa Pilipinas.

Nitong mga huling araw, nagpunta ako sa Nepal bilang delegado ng LFS sa Asia Pacific Youth Camp on Education and Employment ng Asian Students Association, na hinost ng All Nepal National Free Students Union.

Ito ang unang pagkakataon na lalabas ako sa Pilipinas, malayo sa aking mga kasama sa LFS, kay Olga, at sa mga kasama.

Magkahalong eksaytment at kaba ang aking nararamdaman nang magtake-off ang eroplano sa NAIA, maglanding sa Thailand, magtake-off muli mula Thailand (matapos ang labinlimang oras ng pamamalagi ko sa Bangkok Airport), at maglanding sa bansa kung saan ipinanganak si Buddha at kung saan bumababa ang mga aakyat ng Everest at Himalayas, ang Nepal.

Labinlima ang mga Internasyunal na delegado, Pilipinas, Bangladesh, Burma (Myanmar), Pakistan, Hongkong, Malaysia, India (mga Indigenous People ng India, Naga at Zomi). Malaki rin ang nakibahaging participant ng ANNFSU.

Akala ko dati, malamig ang Baguio. Nagbago ang pananaw ko sa kung ano ang malamig pagdating sa Nepal. Umaabot sa baba ng 0 (as in Zero) ang temperatura rito kapag gabi. Ganoon kalamig. Hindi mo na mararamdaman ang iyong mga daliri at manginginig ka pa rin kahit limang patong na ng damit ang suot mo. Mamumulikat ka rin sa lamig.

Buti na lamang, nakakapaso sa anghang ang mga pagkain. Hindi lang minsan na napaluha ako sa anghang.

Sa pagbyahe papuntang International Convention Center ng Nepal kung saan gaganapin ang Opening Program ng Youth Camp, hinabol kami ng tatlong bus na puno ng mga estudyanteng naghihiyawan, kumakaway, ang ilan, mayroon pang iwinawagayway na pulang bandila. Sila ang kasapi ng ANNFSU na nagmobilize upang makiisa sa aming Opening Program. Sabi nga ni Rey ng ASA, magitla na lang ang walang kilusan! :)


Matapos ang Opening Program, nagpunta na kami sa Hotel Mirabel, Dhulikel, labas ng Kathmandu para sa venue ng aming youth camp. Gabi kami dumating, nagyeyelo na sa lamig. Buti na lang, may milktea at heater sa aming kuwarto. Sa dilim, napansin na naming maganda ang venue. "Five star Hotel siguro ito," sa isip namin. Subalit kinaumagahan, nagulat na lamang kami... Hindi pa pala ang hotel mismo ang kailangang ipagyabang, kundi ang view. Mula sa bintana ng kuwarto namin ay ang Himalayas, ang bubong ng mundo!


Matapos ang masarap ngunit maanghang na agahan, simula na ng pormal na sesyon ng Camp. Talakayan sa kalagayan ng Edukasyon at Empleyo sa buong rehiyon ng Asya at Pasipiko.

Komersyalisado. kolonyal. Eletista. Represibo. Batay sa ulat ng mga delegado, ganito ang katangian ng edukasyon sa kanilang bansa. Pamilyar? Malamang pagka't ganito rin naman ang dominanteng sistema ng edukasyon na umiiral dito sa Pilipinas. Sa ilalim ng mga pakana ng imperyalismo at neoliberal na globalisasyon (na pakana rin ng imperyalismo), parami nang parami ang bilang ng mga kabataang hindi nakakapag-aral. Malaki ang problema sa usapin ng akses sa edukasyon sa buong rehiyon.

Problema rin ang kalidad at kurikulum sa mga paaralan. Sa Pakistan halimbawa, na kumakaharap sa sistema ng edukasyong fundamentalista, sinasabi ng kanilang mga guro sa Kasaysayan at Biology nqa "Listen, but don't belive."

Sa Burma naman, kapag pag-uusapan na ang demokrasya, kailangan pang isara ng mga guro ang bintana at pintuan ng kanilang paaralan sa takot na marinig ng mga elemento ng militar at estado.

Pataas nang pataas ang bilang ng mga kakulangan sa klasrum, textbuk, guro at iba pang pasilidad, kasabay ng pababa nang pababang subsidyo na natatanggap ng mga paaralan.

At kung makagradweyt ka naman, hindi pa tapos ang iyong problema pagkat lumalaki rin ang kakulangan ng desenteng empleyo sa mga bansa sa rehiyon. Laganap ang underemployment, kakulangan sa sahod, diskriminasyon, at unfair labor practice.

Dito ko nakita na ang mga isyung kinakaharap ng kabataan at mamamayan sa Pilipinas ay katulad at kaugnay ng mga kinakaharap ng ibang mga neokolonya ng imperyalismo. Kaya, mahalaga nga talagang makipagkaisa sa mga progresibong kilusan sa iba't ibang bansa. Subalit, sabi nga, ang pinakamalaking kontribusyong maibibigay natin sa pandaigdigang kilusan ay ang pagpapanalo ng sarili nating pakikibaka.

Matapos ng mgs workshop, sumama ako sa drafting committe ng camp upang buuin ang deklarasyon ng mga kabataan at estudyante sa Asia Pacific hinggil sa edukasyon at empleyo.

Matapos ang Youth Camp, balik na kami sa Kathmandu upang magshopping sa Thamel, ang tourist district ng Nepal na pinaghalong Divisoria at Malate, kung saan ka makakabili ng mga rare na libro, murang bags, statwa ni Buddha, at Buddhist Singing Bowls. Kailangan lang, marunong kang tumawad. Ang 600 rupees ay maaaring mapababa tungong 200 rupees. Lagpas kalahati. Mas mahusay siyempre kung may kasama kang lokal na puwedeng tumawad para sa iyo.

Bukod sa Thamel nakita ko rin ang kahirapan at kalagayan ng Nepal. Malaki na raw ang kanilang inunlad matapos matagumpay na maibagsak ng mamamayan ang mkonarkiyo noong 2006. Subalit, tiyak na mas malaki pa ang kailangang gawin upang mapaunlad ang kanilang bansa.

Hindi pa rin istable ang kanilang pulitika pagkat hindi pa nagaganap ang eleksyon ng kanilang Parlyamento at nananatiling isang interim government ang namumuno. Mayroon kasing stalemate ang mga pampulitikang partido sa kanilang bansa na natatakot mawalan ng kapangyarihan kapag naganap ang eleksyon.

Bago ako umalis, nagkaroon din ako ng pagkakataong makausap ang ilang kasapi ng ANNISUR, grupo ng mga kabataang Maoista sa Nepal. Isa sila sa pinakamatalas na kabataang nakausap ko sa Nepal at kanila ring naipaliwanag ang posisyon ng mga Maoista sa kanilang bansa.

Sa aking pagbalik sa Pilipinas, nakausap ko ang napakaraming Pilipino na pabalik ng bansa para sa Pasko. Ilan lamang sila sa halos sampung milyong OFW na nakikipagsapalaran sa dayuhang bansa para lamang kumita.

Ngayon, narito na ako. Wala na ang maaanghang na hapunan, mainit na milk tea, amoy ng insenso sa atmospera at ang pagbati ng Namaste (sabay magkadikit ang kamay, parang nagdadasal.)

Balik na ako sa bansa ng adobo, Mabuhay, at Pasko (sa pitong araw ko sa Nepal, isang Christmas Tree lang ang nakita ko. Buddhists, Hindus at Muslim kasi ang dominanteng relihiyon doon).

---
Para sa iba pang mga litrato, at para sa kopya ng deklarasyong tumulong ako sa pagdraft, pumunta sahttp://apstudes.blogspot.com/.

---
I-add ninyo ako sa Facebook

---
Nagbebenta pala ako ng Nepali bags. Ilang piraso lang ito! Bilis at bili na!

right of passage




Sa wakas, nawala na ang kaba ko.

Lagi namang ganito tuwing may mob sa US Emba. Todo ang kaba. Sabi ko naman sa sarili ko, bawasan na ang kape, lalo kung may mainit na aksyon. Ewan ko ba bakit hindi na ako natuto. Sabagay, kung magising ka nga naman ng alas-nuwebe, tapos kailangan mo [pang gumawa, magprint at magparepro ng placards para sa isang aksyon na magaganap ng alas-onse sa kabilang bahagi ng Metro Manila, mahirap ding umiwas.

Sa byahe, non-stop ang text ng mga tao. "Asan ka na?" "Papunta na kami." "'San na uli ang kitaan?" "Marami nang pulis dito."

Pagbaba ng kanto ng kalaw at Taft, medyo malayo-layo ang lakaran. Kasabay ng kaba sa magaganap na action ay ang pagod, init ng araw, tapos 'yung paranoia na baka na lang damputin ka sa mga kanto na nagdudugtong sa UN Avenue at Kalaw o kaya nama'y lahat ng nakatambay ay intel. Tapos, mawawala ka pa.

Pagdating ng plaza Ferguson, makikita mo na mga tao. Ang ilan, bagong mukha, ang ilan, kilala mo sa mukha, ang ilan naman, sa pangalan. Konting batian, tapos balitaan. "Marami nang media." "Marami ring mobile ng pulis." "Start na ba?" "Start na."

Ikakalat ang props, tapos biglang magtitinginan, magpapakiramdaman, maghihintay sa mauunang maglaladlad ng placard, magmamartsa papuntang embahada, mauunang magtataas ng kamao at sisigaw. Siyempre, bukod sa hintayan, ang putok ng aksyon ang pinaka-nakakakaba. Kasi, ito 'yung panahong iaanounce mo sa mga nakatambay sa Plaza, sa media, at sa mga pulis na "mag-rarally kami at pupunta kami sa US Embassy."

Martsa, mgatratrapik. Lalapit sa media upang mag-abot ng Press Release. May masama akong experience dito. Kasi 'nung first time kong magmedia-liason, pati pulis, binigyan ko ng PR kaya agad na natugunan ang dapat na LR sa embahada.

Tapos, magugulat ka na lang na asa harap ka na ng embahada. Takbo sa seal! Unahang makapalo! Una, gamitin ang kamay. Tapos. pati placard na hawak mo, ipamalo mo na rin! Kung hindi ka pa natuwa, bunutin ang halaman sa paligid ng seal at ito ang ipamalo mo (ano ba talaga ang objective? Mapalo ang seal o magdamo?). At kung agit ka talaga dahil sa galit mo sa imperyalismo, kumuha ng redbrick at ito ang ipamalo mo. Tiyak, magiging makasaysayang nilalang ka na.

Ang pag-abot sa mismong gate ng embahada ay tila isang right of passage sa mga aktibista, lalo sa hanay ng mga kabataan at estudyante. Bahid siguro ng burgis na machismo, isang bragging right ng sabihing "napalo ko na ang seal ng US."

Sa halos limang taon kong pagiging-bakti, ngayong taon ko lang naranasan na makaabot ng ganito sa US embassy. Sabi nga, "mas madaling mag-rally sa Mendiola at Malacanang kaysa sa US embassy." Kasi naman, nagtitipon pa lang kayo sa kahabaan ng Kalaw, ang shield na ng mga pulis ang haharang sayo para man lang masilayan ang embassy. At kung magpapasaway ka pa't hindi kayo aalis, tiyak, maliligo kayo sa maduming tubig mula sa water cannon.

Tuwing may command-meeting para sa US emba rally, biruan din ang target na "touch the seal" pagka't alam ng lahat na ito ay suntok sa buwan. Kaya isang malaking tagumpay na sa taong ito, tatlong beses nang nakapagrally sa harap ng embahada ang YS. Para sa akin, ang ahitasyon ko ay produkto ng halos limang taong frustation na makapag-rally sa emba. Sa isang rally rin dito first time kong mahuli at madetain ng pulis sa loob ng halos labin-dalawang oras.

Simple, ngunit mahalaga ang bigat ng pagrarally sa emba. Una, ito na marahil ang isa sa pinakamalinaw na ekspresyon ng anti-imperyalistang paninindigan ng kabataan dito sa lunsod. Siyempre, sa kanayunan, iba ang porma ng paglaban na ito. Pagsampal ito sa dayuhang kapangyarihan. Pagsabi ito na "hindi kami natatakot sa inyo. Alam namin ang mga kabulastugang ginagawa ninyo dito sa bayan namin at sa marami pang iba." Ang pandarahas naman na ginagawa ng pulisya at ang kapangahasan ng mamamayan na kumilos sa kabila nito ay patunay sa kung kaninong interes naglilingkod ang mga armadong establisyemento ng estado at kung paano naman ito pilit nating nilalabanan.

Sa isang emba rally, tiyak ang dahas. Ang tanong na lamang ay "ano ngayon?" Nababawasan ang sakit ng galos at bukol sa kaalamang hindi lamang isang piraso ng bakal ang nalamatan mo kundi isang simbolo ng paghahari ng dayuhan sa bansa.

Kaya, habang dinidisperse na, kita mo ang ngiti sa mga kasama. Magkakamayan, magbabatian. Sabay tingin sa pulis na umieskort sa inyo, "sa susunod uli!."

---
Sundan ninyo ako sa twitter!