Sa wakas, nawala na ang kaba ko.
Lagi namang ganito tuwing may mob sa US Emba. Todo ang kaba. Sabi ko naman sa sarili ko, bawasan na ang kape, lalo kung may mainit na aksyon. Ewan ko ba bakit hindi na ako natuto. Sabagay, kung magising ka nga naman ng alas-nuwebe, tapos kailangan mo [pang gumawa, magprint at magparepro ng placards para sa isang aksyon na magaganap ng alas-onse sa kabilang bahagi ng Metro Manila, mahirap ding umiwas.
Sa byahe, non-stop ang text ng mga tao. "Asan ka na?" "Papunta na kami." "'San na uli ang kitaan?" "Marami nang pulis dito."
Pagbaba ng kanto ng kalaw at Taft, medyo malayo-layo ang lakaran. Kasabay ng kaba sa magaganap na action ay ang pagod, init ng araw, tapos 'yung paranoia na baka na lang damputin ka sa mga kanto na nagdudugtong sa UN Avenue at Kalaw o kaya nama'y lahat ng nakatambay ay intel. Tapos, mawawala ka pa.
Pagdating ng plaza Ferguson, makikita mo na mga tao. Ang ilan, bagong mukha, ang ilan, kilala mo sa mukha, ang ilan naman, sa pangalan. Konting batian, tapos balitaan. "Marami nang media." "Marami ring mobile ng pulis." "Start na ba?" "Start na."
Ikakalat ang props, tapos biglang magtitinginan, magpapakiramdaman, maghihintay sa mauunang maglaladlad ng placard, magmamartsa papuntang embahada, mauunang magtataas ng kamao at sisigaw. Siyempre, bukod sa hintayan, ang putok ng aksyon ang pinaka-nakakakaba. Kasi, ito 'yung panahong iaanounce mo sa mga nakatambay sa Plaza, sa media, at sa mga pulis na "mag-rarally kami at pupunta kami sa US Embassy."
Martsa, mgatratrapik. Lalapit sa media upang mag-abot ng Press Release. May masama akong experience dito. Kasi 'nung first time kong magmedia-liason, pati pulis, binigyan ko ng PR kaya agad na natugunan ang dapat na LR sa embahada.
Tapos, magugulat ka na lang na asa harap ka na ng embahada. Takbo sa seal! Unahang makapalo! Una, gamitin ang kamay. Tapos. pati placard na hawak mo, ipamalo mo na rin! Kung hindi ka pa natuwa, bunutin ang halaman sa paligid ng seal at ito ang ipamalo mo (ano ba talaga ang objective? Mapalo ang seal o magdamo?). At kung agit ka talaga dahil sa galit mo sa imperyalismo, kumuha ng redbrick at ito ang ipamalo mo. Tiyak, magiging makasaysayang nilalang ka na.
Ang pag-abot sa mismong gate ng embahada ay tila isang right of passage sa mga aktibista, lalo sa hanay ng mga kabataan at estudyante. Bahid siguro ng burgis na machismo, isang bragging right ng sabihing "napalo ko na ang seal ng US."
Sa halos limang taon kong pagiging-bakti, ngayong taon ko lang naranasan na makaabot ng ganito sa US embassy. Sabi nga, "mas madaling mag-rally sa Mendiola at Malacanang kaysa sa US embassy." Kasi naman, nagtitipon pa lang kayo sa kahabaan ng Kalaw, ang shield na ng mga pulis ang haharang sayo para man lang masilayan ang embassy. At kung magpapasaway ka pa't hindi kayo aalis, tiyak, maliligo kayo sa maduming tubig mula sa water cannon.
Tuwing may command-meeting para sa US emba rally, biruan din ang target na "touch the seal" pagka't alam ng lahat na ito ay suntok sa buwan. Kaya isang malaking tagumpay na sa taong ito, tatlong beses nang nakapagrally sa harap ng embahada ang YS. Para sa akin, ang ahitasyon ko ay produkto ng halos limang taong frustation na makapag-rally sa emba. Sa isang rally rin dito first time kong mahuli at madetain ng pulis sa loob ng halos labin-dalawang oras.
Simple, ngunit mahalaga ang bigat ng pagrarally sa emba. Una, ito na marahil ang isa sa pinakamalinaw na ekspresyon ng anti-imperyalistang paninindigan ng kabataan dito sa lunsod. Siyempre, sa kanayunan, iba ang porma ng paglaban na ito. Pagsampal ito sa dayuhang kapangyarihan. Pagsabi ito na "hindi kami natatakot sa inyo. Alam namin ang mga kabulastugang ginagawa ninyo dito sa bayan namin at sa marami pang iba." Ang pandarahas naman na ginagawa ng pulisya at ang kapangahasan ng mamamayan na kumilos sa kabila nito ay patunay sa kung kaninong interes naglilingkod ang mga armadong establisyemento ng estado at kung paano naman ito pilit nating nilalabanan.
Sa isang emba rally, tiyak ang dahas. Ang tanong na lamang ay "ano ngayon?" Nababawasan ang sakit ng galos at bukol sa kaalamang hindi lamang isang piraso ng bakal ang nalamatan mo kundi isang simbolo ng paghahari ng dayuhan sa bansa.
Kaya, habang dinidisperse na, kita mo ang ngiti sa mga kasama. Magkakamayan, magbabatian. Sabay tingin sa pulis na umieskort sa inyo, "sa susunod uli!."
---
Sundan ninyo ako sa twitter!
4 komento:
ayus!
haba a. :)
fumi-feature efek.
nga pala.
deads na yung olgalicious.blogspot.com
pati yun
olgaschmolga.blogspot.com
nakakatamad na e.
:)
naks! ayus ah! parang papa-graduate na mula sa statement writing. hehe
gusto ring gumawa nang parang ganun. comics version. :P
haba naman ng word verification dito. tsk!
hehe.
ganyan talaga. mahirap nang mapuno ng spam ang comments section.
Post a Comment