Namaste!

At nandito na uli ako sa Pilipinas.

Nitong mga huling araw, nagpunta ako sa Nepal bilang delegado ng LFS sa Asia Pacific Youth Camp on Education and Employment ng Asian Students Association, na hinost ng All Nepal National Free Students Union.

Ito ang unang pagkakataon na lalabas ako sa Pilipinas, malayo sa aking mga kasama sa LFS, kay Olga, at sa mga kasama.

Magkahalong eksaytment at kaba ang aking nararamdaman nang magtake-off ang eroplano sa NAIA, maglanding sa Thailand, magtake-off muli mula Thailand (matapos ang labinlimang oras ng pamamalagi ko sa Bangkok Airport), at maglanding sa bansa kung saan ipinanganak si Buddha at kung saan bumababa ang mga aakyat ng Everest at Himalayas, ang Nepal.

Labinlima ang mga Internasyunal na delegado, Pilipinas, Bangladesh, Burma (Myanmar), Pakistan, Hongkong, Malaysia, India (mga Indigenous People ng India, Naga at Zomi). Malaki rin ang nakibahaging participant ng ANNFSU.

Akala ko dati, malamig ang Baguio. Nagbago ang pananaw ko sa kung ano ang malamig pagdating sa Nepal. Umaabot sa baba ng 0 (as in Zero) ang temperatura rito kapag gabi. Ganoon kalamig. Hindi mo na mararamdaman ang iyong mga daliri at manginginig ka pa rin kahit limang patong na ng damit ang suot mo. Mamumulikat ka rin sa lamig.

Buti na lamang, nakakapaso sa anghang ang mga pagkain. Hindi lang minsan na napaluha ako sa anghang.

Sa pagbyahe papuntang International Convention Center ng Nepal kung saan gaganapin ang Opening Program ng Youth Camp, hinabol kami ng tatlong bus na puno ng mga estudyanteng naghihiyawan, kumakaway, ang ilan, mayroon pang iwinawagayway na pulang bandila. Sila ang kasapi ng ANNFSU na nagmobilize upang makiisa sa aming Opening Program. Sabi nga ni Rey ng ASA, magitla na lang ang walang kilusan! :)


Matapos ang Opening Program, nagpunta na kami sa Hotel Mirabel, Dhulikel, labas ng Kathmandu para sa venue ng aming youth camp. Gabi kami dumating, nagyeyelo na sa lamig. Buti na lang, may milktea at heater sa aming kuwarto. Sa dilim, napansin na naming maganda ang venue. "Five star Hotel siguro ito," sa isip namin. Subalit kinaumagahan, nagulat na lamang kami... Hindi pa pala ang hotel mismo ang kailangang ipagyabang, kundi ang view. Mula sa bintana ng kuwarto namin ay ang Himalayas, ang bubong ng mundo!


Matapos ang masarap ngunit maanghang na agahan, simula na ng pormal na sesyon ng Camp. Talakayan sa kalagayan ng Edukasyon at Empleyo sa buong rehiyon ng Asya at Pasipiko.

Komersyalisado. kolonyal. Eletista. Represibo. Batay sa ulat ng mga delegado, ganito ang katangian ng edukasyon sa kanilang bansa. Pamilyar? Malamang pagka't ganito rin naman ang dominanteng sistema ng edukasyon na umiiral dito sa Pilipinas. Sa ilalim ng mga pakana ng imperyalismo at neoliberal na globalisasyon (na pakana rin ng imperyalismo), parami nang parami ang bilang ng mga kabataang hindi nakakapag-aral. Malaki ang problema sa usapin ng akses sa edukasyon sa buong rehiyon.

Problema rin ang kalidad at kurikulum sa mga paaralan. Sa Pakistan halimbawa, na kumakaharap sa sistema ng edukasyong fundamentalista, sinasabi ng kanilang mga guro sa Kasaysayan at Biology nqa "Listen, but don't belive."

Sa Burma naman, kapag pag-uusapan na ang demokrasya, kailangan pang isara ng mga guro ang bintana at pintuan ng kanilang paaralan sa takot na marinig ng mga elemento ng militar at estado.

Pataas nang pataas ang bilang ng mga kakulangan sa klasrum, textbuk, guro at iba pang pasilidad, kasabay ng pababa nang pababang subsidyo na natatanggap ng mga paaralan.

At kung makagradweyt ka naman, hindi pa tapos ang iyong problema pagkat lumalaki rin ang kakulangan ng desenteng empleyo sa mga bansa sa rehiyon. Laganap ang underemployment, kakulangan sa sahod, diskriminasyon, at unfair labor practice.

Dito ko nakita na ang mga isyung kinakaharap ng kabataan at mamamayan sa Pilipinas ay katulad at kaugnay ng mga kinakaharap ng ibang mga neokolonya ng imperyalismo. Kaya, mahalaga nga talagang makipagkaisa sa mga progresibong kilusan sa iba't ibang bansa. Subalit, sabi nga, ang pinakamalaking kontribusyong maibibigay natin sa pandaigdigang kilusan ay ang pagpapanalo ng sarili nating pakikibaka.

Matapos ng mgs workshop, sumama ako sa drafting committe ng camp upang buuin ang deklarasyon ng mga kabataan at estudyante sa Asia Pacific hinggil sa edukasyon at empleyo.

Matapos ang Youth Camp, balik na kami sa Kathmandu upang magshopping sa Thamel, ang tourist district ng Nepal na pinaghalong Divisoria at Malate, kung saan ka makakabili ng mga rare na libro, murang bags, statwa ni Buddha, at Buddhist Singing Bowls. Kailangan lang, marunong kang tumawad. Ang 600 rupees ay maaaring mapababa tungong 200 rupees. Lagpas kalahati. Mas mahusay siyempre kung may kasama kang lokal na puwedeng tumawad para sa iyo.

Bukod sa Thamel nakita ko rin ang kahirapan at kalagayan ng Nepal. Malaki na raw ang kanilang inunlad matapos matagumpay na maibagsak ng mamamayan ang mkonarkiyo noong 2006. Subalit, tiyak na mas malaki pa ang kailangang gawin upang mapaunlad ang kanilang bansa.

Hindi pa rin istable ang kanilang pulitika pagkat hindi pa nagaganap ang eleksyon ng kanilang Parlyamento at nananatiling isang interim government ang namumuno. Mayroon kasing stalemate ang mga pampulitikang partido sa kanilang bansa na natatakot mawalan ng kapangyarihan kapag naganap ang eleksyon.

Bago ako umalis, nagkaroon din ako ng pagkakataong makausap ang ilang kasapi ng ANNISUR, grupo ng mga kabataang Maoista sa Nepal. Isa sila sa pinakamatalas na kabataang nakausap ko sa Nepal at kanila ring naipaliwanag ang posisyon ng mga Maoista sa kanilang bansa.

Sa aking pagbalik sa Pilipinas, nakausap ko ang napakaraming Pilipino na pabalik ng bansa para sa Pasko. Ilan lamang sila sa halos sampung milyong OFW na nakikipagsapalaran sa dayuhang bansa para lamang kumita.

Ngayon, narito na ako. Wala na ang maaanghang na hapunan, mainit na milk tea, amoy ng insenso sa atmospera at ang pagbati ng Namaste (sabay magkadikit ang kamay, parang nagdadasal.)

Balik na ako sa bansa ng adobo, Mabuhay, at Pasko (sa pitong araw ko sa Nepal, isang Christmas Tree lang ang nakita ko. Buddhists, Hindus at Muslim kasi ang dominanteng relihiyon doon).

---
Para sa iba pang mga litrato, at para sa kopya ng deklarasyong tumulong ako sa pagdraft, pumunta sahttp://apstudes.blogspot.com/.

---
I-add ninyo ako sa Facebook

---
Nagbebenta pala ako ng Nepali bags. Ilang piraso lang ito! Bilis at bili na!

0 komento: