"Your Honor, years ago I recognized my kinship with all living beings, and I made up my mind that I was not one bit better than the meanest on earth. I said then, and I say now, that while there is a lower class, I am in it, and while there is a criminal element I am of it, and while there is a soul in prison, I am not free."
-Eugene Victor Debs
Natural lang sigurong kabahan kapag first time na pumunta sa isang kulungan. Mga imaheng katulad ng sa pelikulang "Anak ni Baby Ama" ang pumapasok sa isip ko habang naglalakad kami papuntang City Jail. Lahat kami, unang beses na papasok sa loob.
Ang cellphone, mp3 player at iba pang elektronikong gamit ay kailangang iwan sa labas. Ang polisiyang ito ay ginamit ng ilang tindahan sa paligid para magpabayad ng P10 para iwanan ang cellphone. Bawal magsuot ng yellow at orange. Baka hindi na palabasin. Kailangan magpakita ng ID. Bubutbutin ang bawat bulsa ng bag. Hindi ito tulad ng "security inspection" sa MRT.
"Sino bibisitahin ninyo?" tanong ng isang preso.
"Kay Ka Randy Echannis po." sagot namin.
Pag-unawa ang nakita namin sa preso. "Yung NPA?"
"Hindi po. Napagbibintangan lang."
Siya na rin ang naghatid sa amin. Nanghingi ng barya bilang kapalit. Kilala na si Randy Echannis sa kulungan kahit tatlong buwan pa lamang siya matapos ilipat sa City Jail ng Lungsod ng Manila pagkatapos ng anim na buwang pagkakaditena sa kulungan ng Leyte kung saan siya inaresto.
Sa isang kumperensya ng Kilusang Magbubukid ng PIlipinas kung saan siya ay isang opisyal inaresto si Ka Randy. Walang warrant of arrest na ipinakita. Kakaiba irin ang naging pag-aresto sa kanya. Mga lalaking nakasibilyan at naka-ski mask ang bumulabog sa kumperensya ng KMP para siya dakipin.
Agad na nakapagmobilisa ang mga kasapi ng Bagong Alyansang Makabayan sa Leyte. Hindi man nagpakilala ang mga humili, tiyak ang marami na elemento ito ng pulisya. Hindi naman sila nagkamali at inilutang si Ka Randy.
Arestado raw siya para sa mga mass graves na nakita sa Leyte. Mga biktima raw ng purging ng NPA ang may-ari ng mga nahukay na buto. Subalit, natawa na lamang si Ka Randy nang ikuwento niya sa amin na tulad nina Satur Ocampo at Jose Maria Sison na akusado rin, siya ay nakakulong noong panahong naganap ang purgingI na ibinibintang sa kanya ng militar.
Kinuwento niya sa amin ang isang araw para sa isang bilanggo. Champorado o kaya nama'y Lugaw ang agahan na puro sabaw. Tinola sa hapunan na puro sabaw. "Nireretoke" na lamang daw ng mga bilanggo ang ulam. Itinatapon ang sabaw at muling iniluluto upang makain.
"Baka at baboy ang pagkain dito. Baka 'di mo makain dahil pagkaing baboy."
Buti na lamang, aniya, madalas ang bisita sa kanya ng mga kasamahan mula sa KMP at First Quarter Storm Movement na nagdadala ng pagkain.
Dinala din niya kami sa kanyang kubol. Isang kwarto sa loob ng dormitoryo na kanyang tinutulugan. Bukod sa matres, laman ng kanyang kubol ang ilang libro, dyaryo, at larawan ng kanyang mga anak at pamilya.
Nakilala rin namin dito si Loi, isang kasapi ng Migrante na napaghinalaang nagnakaw ng mga rehas mula sa isang sementeryo sa Maynila. Nakakagulat na para sa isang napakaliit na kaso, lagpas tatlong taon na siya sa kulungan. Wala pa ring disisyon ang korte sa kaso niya.
Kung sakaling lumabas ang desisyon, tiyak, lagpas na sa magiging hatol ang pananatili niya sa kulungan. Buto na lamang daw at nakilala niya si Ka Randy na tumulong sa kanya para maghanap ng abugado.
Sa pakikipag-usap ko kay Loi at Ka Randy, naalala ko na ang kulungan nga naman pala ay bahagi ng pamamaraan ng estado upang mapanatili ang kapangyarihan sa naghaharing uri.
Kalakhan nga naman ng bilanggo ay nagmula sa masang anakpawis. Urban Poor na naitutulak ng umiiral na sistema upang gumawa ng krimen dahil sa kawalan ng trabaho. Ang ilan, anila, mas gusto pang nakakulong. Wala rin naman daw sialng buhay pag nasa labas. Wala rin namang silang makikitang trabaho. Sa kulungan, may pagkain at matutulugan.
Siyempre, ani Ka Randy, marami ring mga lumpen o yaong ispesyal na uri na nabubuhay sa pamamagitan ng anti-sosyal na gawain. Pero ipinaalala niya na madalas, may pang-ekoniya pa rin itong batayan.
Nalaman din namin sa kanila na walang pamamaraan ang kulungan para sa tuluyang rehabilitasyon ng mga bilanggo. Walang livelihood training o anuman na ginagawa ang kulungan para sa mga preso. Kung mayroon sana, may magiging trabaho na sila paglabas, kaso, wala kaya ilang araw pagkalaya, asa presinto na uli.
Napatunayan rin ng aming bisita sa kulungan na hindi totoo ang imahe ng hustisya na mayroong piring na sumisimbolo sa pagkakapantay-pantay ng lahat sa mata ng batas. Kinuwento nila ang anak ng isang opisyal na nahulihan ng ilang kilo ng droga. Ilang araw lamang, nakalaya na. Ni hindi daw siya nakulong tulad ng ibang mga preso. Sa opisina lamang daw siya nanatili.
"Pero 'yung iba, tulad nitio ni Loi. Nakakulong na ng matagal kahit di pa napapatunayang nagkasala. Hindi nakakagulat na may mga nagbibigti dito," kuwento ni Ka Randy.
Ang kadalasang ginagawa na lamang niya ay magsulat at magbasa habang hinihintay ang disisyon ng korte. Tapos na kasi ang mga pagdinig sa kanyang kaso.
"Paborable man o hindi, basta may desisyon," ani Ka Randy.
Maya-maya, may dumating na mga intsik na umupo sa mesang katabi ng sa amin.
Nagtaas kamao si Ka Randy at may sinabi sa intsik.
Ngumiti at nagtaas rin ng kamao ang mga intsik na may kasong may kinalaman sa iligal na droga.
"Yun lang kasi ang alam kong sabihin na intsik," ani Ka Randy. Nagsalita na rin siya agad bago pa kami makapagtanong. "Long live Chairman Mao."
Ani Ka Randy, ang gusto ng estado sa pagkakakulong sa kanya ay niyutralisahin siya at ang mga tulad niyang lider sa pagkilos at patayin ang kanyang moral.
Subalit, sa ilang oras ng aming pagbisita, halatang binibigo ni Ka Randy ang estado.
"Lumalapit sa akin ang mga bilanggo at nakikipagtalakayan sa akin ng mga usaping pampulitika. Alam naman nila ang mga nangyayari sa labas dahil halos lahat sila, nanonood ng balita. Minsan nga may nagmumura kapag nakikita si Gloria," kuwento ni ka Randy.
Aniya, kailangan lang, itaas ang linya ng mga pagsusuri ng mga bilanggo na kanya namang ginagawa sa pakikipagtalakayan sa kanila.
Kung gayon, bagamat limitado, nakakapag-organisa pa rin si Ka Randy. Makikita rin sa kanyang mga mata na nananatili sa kanya ang determinasyong ipagpatuloy ang pakikibakang siya ay bahagi.
Matapos naman niyang kumustahin ang LFS at ang kilusang kabataan, kami ay nagpaalam na. Nag-iwan kami ng pangako na kami ay babalik upang siya ay muling kumustahi habang bitbit naman sa paglabas ang kanyang mga aral na ibinahagi sa amin at ang mas matinding determinasyon na ipanawagan ang pagpapalaya niya at ng lahat ng detenidong politikal at isulong ang pakikibaka hanggang sa ikatatagumpay nito.